Isang makabuluhang hakbang tungo sa mas sustenableng pangangalaga sa kalikasan ang isinagawa ngayong araw, Enero 19, matapos pormal na lagdaan ang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Pamahalaang Lokal ng Bayambang sa pamumuno ni Mayor Niña Jose-Quiambao at ng Rotary Club of Bayambang sa ilalim ni President Leonora Sagun.
Layunin ng naturang kasunduan na pagtibayin ang ugnayan ng lokal na pamahalaan at ng civil society organization sa pagpapatupad ng mga programang pangkalikasan, kabilang ang waste management, tree planting, at iba pang inisyatibang naglalayong mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng kapaligiran sa bayan.
Bilang bahagi ng kasunduan, pormal na isinama ang Rotary Club of Bayambang bilang miyembro ng Bagong Bali-Balin Bayambang (BBB) Committee, ang pangunahing lupon na mangunguna sa pagpapatupad ng mga programang pangkalinisan.
Pinamumunuan ang Bagong BBB Committee ni SK Federation President, Hon. John Roy S. Jalac, bilang Chairperson, katuwang si SB Member at Chair ng Committee on Environment, Councilor Rhyan P. de Vera bilang Vice Chairperson. Nagsisilbi namang Kalihim ng komite si Local Youth Development Officer (LYDO) Ray Hope O. Bancolita.
Kasama rin sa komite ang mga pangunahing opisyal ng munisipyo, tulad nina Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad; Municipal Health Officer, Dr. Paz Vallo; MENRO Ma-Lene Torio; Municipal Engineer Bernadette Mangande; Municipal Nutrition Action Officer Venus Bueno; MLGO Officer Editha Soriano; MAO representative Mark Espino; at Liga ng mga Barangay OIC, Hon. Rodelito Bautista. (WMC/RSO; Rob Cayabyab)

