Noong November 19-21, inilunsad ng LGU katuwang ang DepEd Bureu of Alternative Education ang “Project NIÑA o Navigating Ideas, Nurturing Aspirations,” na isang livelihood skills training program para sa mga mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS), sa pakikipag-ugnayan kay Mayor Niña Jose-Quiambao.
Layunin ng programang ito na bigyan ng dagdag na kaalaman at kasanayan ang mga ALS learners upang sila ay magkaroon ng mas magandang oportunidad sa paghahanapbuhay.
Ayon kay Mayor Niña, ang edukasyon ay hindi lamang limitado sa loob ng paaralan, kaya naman mahalaga na suportahan ang mga ALS learners sa kanilang pag-aaral at pagpapaunlad ng kanilang mga kasanayan.
Ang training program ay nagbigay ng mga kasanayan sa paggawa ng mga produktong maaaring ibenta, tulad ng handicrafts, pagkain, at iba pa.
Ginanap ang aktibidad ngayong araw, November 19, 2025, hanggang November 21, 2025 sa Pinoy Workers Satellite Office, Barangay Zone VI, at dinaluhan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga kinatawan ng DepEd, mga ALS learners, at iba pa.
Naroon sina Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Sagarino-Vidad, Local School Board Executive Director Rolando Gloria, at DepEd Bayambang District II PSDS, Dr. Candra Penoliar, upang magbigay ng mensahe.
“Huwag niyong hayaan na ang kahirapan ay magpatuloy. Sa programmang ito, Project NIÑA, mag-uumpisa ang ang kaginhawaan. At malay niyo balang araw isa kayo sa magiging bilyonaryong Bayambangueño,” giit ni Atty. Vidad.
Nagsilbing trainors ang mga ALS mobile teacher mula sa Lingayen, Malasiqui, Calasiao, at Bayambang na sina Abdon Soriano, Berna Puzon, Ramon Gonzales, Naoemi Jimenez, Rosalyn Macalanda, Manolo Laza, Roxcell De Guzman, Victor Sabangan. Kabilang sa kanilang itinuro ang mga paksang Financial Literacy, Entreprenurial (Marketing Strategy), Liquid Detergent and Dishwashing Liquid Making, Rag Making, Kimchi Making, at Bangus Deboning.
Bukod kay Mayor Niña, ang iba pang proponent ng proyekto ay sina Vice-Mayor Ian Camille Sabangan, BM Raul R. Sabangan, Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Sagarino-Vidad, SK Federation President John Roy S. Jalac, at LYD Officer Ray Hope O. Bancolita, katuwang ang DepEd Bayambang I at II sa ilalim nina Dr. Longino Ferrer at Dr. Candra Penoliar.
Ang proyekto ay inaasahang magbibigay-daan sa pagkamit ng mga ALS learner ng kanilang mga pangarap at pag-unlad bilang mga produktibong mamamayan ng Bayambang. (VMF/RSO; Karl Vincent Alvarez)


















