Isang panibagong training ang inorganisa ng MDRRMO sa tulong ng Office of the Civil Defense Region I para sa mga piling tanggapan ng gobyerno, at ito ay ukol sa Rapid Damage Assessment and Needs Analysis o RDANA, noong ika-22 hanggang ika-26 ng Enero 2024 sa Orchard Hotel, Baguio City.
Nagbigay kaalaman sa training sina La Union PDRRMO Assistant Department Head Alvin Cruz, ITRMC Physical Therapist II Arman Garcia, La Union PDRRMO Rapid Emergency Telecommunication Head Ronald Talagtag, at Rehabilitation and Recovery Management Section Head Kristian Tabisaura.
Ayon sa MDRRMO, ang pagsasanay na ito ay mahalaga sa pag-unawa sa mga tungkulin at responsibilidad ng mga itatalaga sa mga lugar na apektado ng anumang kalamidad at gumawa ng agarang pagtatasa ng sitwasyon sa disaster area. Nagbibigay ang RDANA ng mabilis na “snapshot” ng sitwasyon ng kalamidad.
Gayundin, tinutukoy nito ang uri at lawak ng mga pinsalang dulot ng isang sakuna, kabilang ang mga sekondaryang banta nito, ang mga kritikal na pangangailangan ng apektadong populasyon, at ang mga lokal na kakayahan sa pagtugon.
Ang mga datos na nakalap ay may mahalagang papel sa paggawa ng isang epektibong plano para sa sitwasyon ng sakuna, emergency, at krisis.
(ni Vernaliza M. Ferrer/RSO; larawan: MDRRMO)