LGU, Agarang Kumilos Matapos ang Lindol

Mabilis na nagpatupad ng mga hakbang ang Pamahalaang Bayan ng Bayambang kasunod ng naramdamang magnitude 4.5 na lindol bandang 2:34 ng hapon nitong Hulyo 9, upang matiyak ang kaligtasan ng mga empleyado, mag-aaral, at mamamayan.

Agad na pinangunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang evacuation procedures sa Municipal Hall, Annex Building, Legislative Building, Balon Bayambang Events Center, at Rural Health Units I, II, at III matapos maramdaman ang pagyanig.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang lindol ay may lakas na magnitude 4.5 at ang sentro nito ay naitala sa Tuba, Benguet.

Kaagad ding nagsagawa ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) ang Municipal Engineering Office upang inspeksiyunin ang mga gusali ng pamahalaan at tiyaking ligtas ang mga ito para sa patuloy na paggamit.

Bilang pag-iingat at batay sa rekomendasyon ng MDRRMO at Human Resource Management Office (HRMO), inaprubahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang agarang suspensiyon ng trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan at ng klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa bayan upang maiwasan ang anumang panganib dulot ng posibleng aftershocks.

Samantala, nagsagawa rin ng monitoring at clearing operations ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bayambang Public Safety Office (BPSO), at MDRRMO sa mga pampublikong lugar tulad ng mga mall, plaza, at mga dike upang matiyak ang maayos at ligtas na pag-uwi ng mga mag-aaral at iba pang mamamayan.

Patuloy namang minomonitor ng mga kinauukulang ahensiya ang sitwasyon at hinihikayat ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga ipinalalabas na abiso kaugnay ng mga posibleng aftershocks. (MDRRMO; MDRRMO)