LGU, Agad na Naglunsad ng Relief Operations para sa mga Apektado ng Bagyong ‘Nando’

Sa direktiba ni Mayor Niña, agad na kumilos ang Lokal na Pamahalaan ng Bayambang sa pamamagitan ng Municipal DRRM Council, sa pangunguna ng Mdrrmo Bayambang, at Barangay DRRM Council members upang magsurvey at magmonitor ng mga nabahang residente at tinamo nilang pinsala at maghatid ng mabilisang ayuda sa mga tuluyang naapektuhan at nag-evacuate matapos ang pananalasa ng supertyphoon ‘Nando.’

Sa gabi ng Setyembre 23, 2025, namahagi ang MSWDO ng mga food pack sa mga residente ng Brgy. M.H. Del Pilar, Bongato East, at Bongato West.

Nagbigay naman ang mga RHU ng leptospirosis prophylaxis, mga gamot, at bitamina.

Ayon sa PAGASA, ang supertyphoon ay nagdulot ng malalakas na hangin at ulan sa malaking bahagi ng Luzon na siyang nagpasidhi sa habagat.

Patuloy ang paalala ng MDRRMO sa publiko na manatiling listo, sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan, at umiwas sa paglusong sa baha nang hindi nakabota.

Magpapatuloy ang LGU-Bayambang sa pagbibigay ng ayuda at mahigpit na pagbabantay upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan. (RSO; MDRRMC)