LCRO, Naghatid ng mga Serbisyo sa Potential 4Ps Members

Noong ika-13 hanggang ika-14 ng Abril 2026, aktibong nakiisa ang Local Civil Registry Office (LCRO) sa isinagawang Community Assembly for Potential New 4Ps Beneficiaries na pinangunahan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa Pavilion 1, St. Vincent Ferrer Prayer Park.

Sa nasabing aktibidad, naghatid ang LCRO ng libreng serbisyo sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), kabilang ang pag-iisyu ng dalawampu’t siyam (29) na libreng kopya ng birth certificate para sa mga indibidwal na wala pang hawak na naturang dokumento. Layunin nitong matiyak na ang bawat benepisyaryo ay may sapat na pagkakakilanlan na mahalaga sa pag-avail ng mga serbisyong panlipunan.

Bukod dito, binigyan din ng kaukulang listahan ng mga kinakailangang dokumento ang mga wala pang rehistradong kapanganakan upang sila ay maisailalim sa libreng late registration sa mga susunod na araw.

Samantala, tatlumpu’t apat (34) na benepisyaryo na mayroong GCash account ang naitala at napa-data capture ng LCRO para sa upgrading ng kanilang Community Service Card, na inaasahang magpapadali sa kanilang pag-access sa iba’t ibang serbisyong pampamahalaan.

Patunay ang inisyatibong ito ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na mailapit ang mahahalagang serbisyo sa mamamayan, lalo na sa mga nangangailangan, at matiyak ang inklusibong pag-unlad sa komunidad. (LCRO; LCRO)