Ang LGU-Laoac ay bumisita sa LGU-Bayambang upang mapalalim ang kaalaman nito hinggil sa epektibong pagpapatupad ng Modern Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS), alinsunod sa Republic Act No. 12009.
Pinangunahan ang pagbisita ni Laoac MPDC/BAC Charperson, Engr. Laarni L. Manaois, EnP, kasama ang mga kasamahan mula sa Laoac Bids and Awards Committee (BAC) at Technical Working Group (TWG), ngayong araw, Abril 14, 2026.
Sa aktibidad, nagkaroon ng talakayan at aktuwal na pagbisita sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan ng Bayambang upang obserbahan ang kanilang proseso ng procurement o ang paraan ng pagkuha ng mga produkto at serbisyong ginagamit sa operasyon ng LGU.
Ibinahagi rin ng BAC ng Bayambang ang kanilang mga best practices, sistema, at mga estratehiya na nakatulong sa pagpapahusay ng transparency, efficiency, at compliance sa mga pambansang patakaran sa procurement.
Ayon sa mga opisyal ng Laoac, malaking tulong ang naturang aktibidad upang mapalakas pa ang kanilang sariling sistema ng pagbili at pamamahala ng pondo ng bayan. Inaasahan din na magdudulot ito ng mas maayos na serbisyo publiko at mas matibay na good governance sa kanilang munisipalidad. (RSO; SCL)








