Muling inilapit sa mamamayan ang iba’t ibang serbisyong ng Munisipyo sa pagsisimula ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan (KSB) Year 9 nitong April 16, 2026 sa Hermoza Elementary School.
Ngayong taon, ang KSB team ay pinamumunuan ni Local Civil Registrar Ismael Malicdem Jr.
Kabilang sa mga serbisyong inihatid ang serbisyong medikal, dental, konsultasyon, pangkabuhayan, civil registration, agrikultural, veterinary, legal services, libreng gupit, at iba pang tulong pangkalahatan na lubos na napakinabangan ng mga residente mula sa Brgy. Hermoza, Caturay, at Malioer.
Ayon sa ulat, ang aktibidad ay nagkaroon ng 1,759 na benepisyaryo ng mga serbisyong nagkakahalaga ng P136,526.85.
Samantala, bilang pagpapaigting ng inklusibo at digital na pamayanan, binigyan ang mga residente ng pagkakataon na makapag-apply ng kanilang PWD identification card, gayundin sa Bayambang Enhanced Community Service Card powered by GCash.
Mayroon ding ipinamigay na mga libreng tsinelas sa lahat ng dumalo.
Binigyang-diin ni Mayor Niña Jose-Quiambao sa kanyang mensahe, na ipinarating ni Councilor Jocelyn Espejo, na tuluy-tuloy ang administrasyon sa pagbibigay ng serbisyong direktang nakararating sa bawat mamamayan ng Bayambang, lalo na sa gitna ng krisis.
Sa nasabing programa, mas napapalawak ang abot ng serbisyo at napagtitibay ang layunin ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan. (JLT, WMC; AG)


















