Muling inilapit ng lokal na pamahalaan ang mga pangunahing serbisyo sa mamamayan sa pamamagitan ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan (KSB) Year 9 na ginanap ngayong araw, Mayo 26, 2026 sa Tampog Elementary School para sa mga residente ng Barangay Tampog, San Vicente, at Warding. Ito ay sa pangunguna ni Local Civil Registrar Ismael Malicdem Jr. na siyang Over All Coordinator ng naturang programa.
Nagpasalamat sina Punong Barangay Zaldy E. Flores at Tampog Elementary School Principal Mr. Rogelio M. Corpuz Jr. kay Mayor Niña Jose-Quiambao para sa patuloy na suporta sa kanilang komunidad, kabilang ang pag-apruba ng pondo para sa temporary classroom ng paaralan.
Bilang hudyat ng pagsisimula ng programa, nagbigay ng mensahe sina Councilor Jan Nazer David B. Junio at Councilor Rhyan P. De Vera, na nagbigay-diin na ang KSB ay patunay ng pangakong maihatid sa bawat mamamayan ang mga serbisyong may kaugnayan sa kalusugan, edukasyon, kabuhayan, at imprastraktura.
Nagkaroon din ng health consultation sa pangunguna ng mga doktor ng bayan na sina Dra. Paz Vallo, Dra. Adrianne Estrada at Dr. Roland M. Agbuya. Kasunod nito, agad na naipagkaloob ang iba’t ibang libreng serbisyo tulad ng legal consultation, aplikasyon para sa upgraded community service card, libreng gupit, pamamahagi ng binhi at punla, tsinelas, at itlog.
Sa kabuuan, umabot sa ₱123,284 ang halagang natipid ng mga benepisyaryo sa pamamagitan ng mga serbisyong naihatid sa programa.
Sa pamamagitan ng KSB Year 9, muling pinagtibay ng lokal na pamahalaan ang layunin nitong gawing mas accessible at mas malapit sa bawat barangay ang mahahalagang serbisyo para sa mamamayan. (MADL/SMGC;JMB)

















