Ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan (KSB) Year 8 ay dinala naman sa Barangay Bongato West nitong Septyembre 18, 2025, hatid ang mga tulong medikal, agrikultural, at iba pang sari-saring libreng serbisyo sa mga residente na nasa malalayong komunidad.
Naroon sina Konsehal Rhyan P. de Vera, kasama ang mga opisyal ng barangay, upang ipahayag ang pasuporta sa adhikaing pangkomunidad ng lokal na pamahalaan.
“Patuloy po tayong maglilingkod nang walang sawa para sa ikauunlad ng Bayambang,” giit ni De Vera sa kanyang mensahe.
Sa tala ni KSB Year 8 Chairman, Dr. Roland Agbuya, daan-daang residente ang dumalo upang makinabang sa mga libreng konsultasyo, mga gamot para sa mga may karamdaman, dental services kabilang ang bunot at oral health education, pamamahagi ng binhi para sa mga magsasaka, bakuna at deworming para sa alagang hayop, at orientation ukol sa mga programa ng gobyerno tulad ng livelihood training at financial aid.
“Malaking ginhawa ito para sa amin. Hindi na namin kailangang pumila sa bayan at gumastos para sa gamot at bakuna,” pahayag ng isang benepisyaryo.
Ayon kay Dr. Agbuya, ang nasabing aktibidad ay bahagi ng patuloy na adhikain ng munisipyo na regular na palapitin ang serbisyo publiko sa mga mamamayan na malayo sa sentro ng bayan.
“Ang KSB ay simbolo ng pagmamahal at dedikasyon natin sa pagtugon sa pangangailangan ng bawat Bayambangueño,” aniya (VMF/RSO; AG)













