Kilusang Kooperatiba, Mas Pinatatag sa 2Q Pulong ng MCDC

Ang Municipal Cooperative Development Office (MCDO) ay nagpatawag ng pulong ng mga miyembro ng Municipal Cooperative Development Council (MCDC) para sa 2nd quarter ng 2026 ngayong araw, Hunyo 3, 2026, sa Agriculture Office Conference Room, upang talakayin ang mga mahahalagang usapin na may kaugnayan sa pagpapalakas at pagpapaunlad ng sektor ng kooperatiba sa Bayambang.

Pinangunahan ng MCDO ang pagpupulong na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan, Cooperative Development Authority (CDA), Department of Trade and Industry (DTI), at mga opisyal ng mga kooperatiba sa bayan.

Kabilang sa mga tinalakay ang kasalukuyang estado ng pagsunod ng mga kooperatiba sa mga kinakailangan ng CDA, gayundin ang pagmomonitor sa aplikasyon at pag-renew ng mga business permit ng mga rehistrado at aktibong kooperatiba.

Nagbigay rin ng update hinggil sa resolusyon ng MCDC para sa opisyal na pagkilala ng CDA sa konseho bilang mahalagang katuwang sa pagpapaunlad ng mga kooperatiba sa lokal na antas.

Nagkaroon din ng bukas na talakayan kung saan naibahagi ng mga kinatawan ng iba’t ibang kooperatiba ang kanilang mga karanasan, hamon, at mungkahing programa upang higit pang mapaigting ang kanilang operasyon at serbisyo sa mga miyembro.

Ayon sa MCDO, mahalaga ang patuloy na koordinasyon ng mga kooperatiba at mga katuwang na ahensiya upang mapanatili ang pagsunod sa mga umiiral na batas at mapalawak pa ang kanilang ambag sa kaunlarang pangkabuhayan ng Bayambang. (RSO; MCDO)