“World-class!” Unique!” “Para kang nasa ibang dimension.”
Ito ay ilan lamang sa mga naging reaksyon ng mga dumarayo sa isa na namang pasabog ni Mayor Niña Jose-Quiambao at Dr. Cezar T. Quiambao sa pagbubukas ng Paskuhan 2024 sa town plaza ng Bayambang.
Sa isang gabi ng intergalactic adventure na may diwa ng Kapaskuhan, muling pinatunayan ng Bayambang ang kahusayan nito sa paghahatid ng kakaiba na namang atraksyon, dahil noong Sabado, Nobyembre 23, 2024, sa pagsalubong ng ika-8 na taon ng Paskuhan sa Bayambang, isang epic at one-of-a-kind experience ang nagbigay-saya sa mga Bayambangueño at mga bisita mula sa karatig-bayan.
Hango sa sikat na serye ng pelikulang “Star Wars,” ibinida ngayong taon ang kauna-unahang 360-degree digital projection mapping sa buong hilagang Luzon, kung saan nagmistulang eksena mula sa isang malayong galaxy ang municipal auditorium.
Ang bagong visual experience na ito ang naging highlight ng engrandeng pagpapasinaya, na kinatatampukan ng nakamamanghang digital effects at mga mechatronic characters mula sa pelikula gaya nina Yoda, C-3PO, Chewbacca, at R2D2 at mga Skytroopers. Talaga namang animo’y nag-landing sa ibang planeta ang sinumang bibisita.
Sinimulan ang makulay na gabi sa isang thanksgiving mass sa Events Center na pinangunahan ni Rev. Fr. Reydentor Mejia ng St. Vincent Ferrer Parish Church.
Kasunod nito ay ang pagbati ng mga lokal na lider ng Bayambang at Pangasinan sa harap ng Munisipyo.
Una ay nagpaabot ng pasasalamat si Vice-Mayor Ian Camille Sabangan sa walang humpay na suporta nina Mayor Niña at Dr. Quiambao at ng buong Quiambao, Terrado, Jose, at Atienza family sa mga ganitong natatanging inisyatibo na nagpapasaya sa Kapaskuhan sa Bayambang.
Sa mensahe naman ni Dr. Quiambao, kanyang tinukoy na ang proyektong ito ay isa na namang ideya ni Mayor Niña, at kanyang nilinaw na hindi pera ng munisipyo ang ginastos dito.
Ipinaalala naman ni Cong. Rachel ‘Baby’ Arenas na, “Ngayong Pasko, huwag nating kalimutang pasalamatan ang Panginoon sa lahat ng klase ng [pagpapala] na ating natatanggap.”
Kasunod nito ay ang mensahe rin ng pasasalamat ni Gov. Ramon Guico III sa mga lider ng Bayambang para sa naiibang karanasan na kanilang hatid para sa mga nasasakupan.
Bukod sa ‘Star Wars’-inspired na Paskuhan, nagbigay-saya rin ang pagtatanghal ng sikat na bandang Lola Amour. Kabilang sa kanilang kinanta ang “Fallen,” “Umiinit,” “Maybe Maybe,” “Dahan-dahan,” “Pwede Ba,” “Namimiss Ko Na,” at siyempre ang kanilang monster hit na “Raining in Manila.”
Sa pagtatapos ng programa, isang makulay at kamangha-manghang fireworks display ang nagbigay-liwanag sa kalangitan at nagpaugong sa buong bayan.
Kasama sa mga aktibidad ang Paskuhan Trade Fair sa lumang Bayambang Central School grounds, kung saan mga lokal na produkto naman ang maaaring pagpilian ng mga mamimili.
Naging buhay na bahagi rin ng Paskuhan ang mga live performances ng Avant at iba pang banda, na nagdagdag-saya sa pagdiriwang.
Wika nga ni Mayor Niña, sa kanyang espesyal na video message mula sa Maynila, “[Ang Paskuhan sa Bayambang ngayong taon] ay isang pagdiriwang na ‘di lang makulay at masaya, kundi kakaiba… Ang bayan ng Bayambang ay isang lugar kung saan ang imahinasyon ay nagiging katotohanan.”
Mula sa LGU Bayambang family, Maligayang Pasko, kabaleyan! May the Force and the spirit of Christmas be with you, always! (Rovin Gem D. Soriano/RSO; AG)This is some text