Katapatan sa Serbisyo: Street Sweeper ng ESWMO, Nagbalik ng Napulot na Pitaka

Isang huwarang halimbawa ng katapatan at malasakit sa kapwa ang ipinamalas ni Marites Fernandez, isang street Sweeper ng Ecological Solid Waste Management Office (ESWMO)-Bayambang, matapos niyang isauli ang isang pitaka na naglalaman ng pera at mahahalagang ID.

Napulot ni Fernandez ang pitaka noong Sabado, Disyembre 20, 2025, habang ginagampanan ang kanyang tungkulin sa paglilinis ng kalsada. Sa kabila ng laman nitong pera at mahahalagang ID, agad niyang sinikap na makontak ang may-ari sa pamamagitan ng impormasyong nasa loob ng pitaka at patuloy na tumawag hanggang sa ito’y masagot noong Lunes.

Nang makausap ang may-ari na si Mr. Kenneth Ramirez ng Barangay San Vicente, agad na iminungkahi ni Fernandez na magkita sila sa tanggapan ng Materials Recovery Facility sa Brgy. Telbang upang personal niyang maibalik ang pitaka.

Lubos ang pasasalamat ni Ramirez, lalo na’t aniya ay napakahalaga ng mga identification card na nasa loob ng pitaka.

Ang ginawa ni Ms. Fernandez ay patunay na ang katapatan at integridad ay buhay sa hanay ng mga kawani ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang — isang simpleng gawa na nagbigay ng inspirasyon at dangal sa serbisyo publiko.