Noong Agosto 17, 2026, isa na namang magandang halimbawa ng katapatan at malasakit sa kapwa ang ipinakita ng isang traffic enforcer ng Bayambang Public Safety Office (BPSO) matapos nitong maisauli ang isang cell phone na kanyang napulot sa harap ng Hi-Pad sa Municipal Plaza ng Bayambang.
Napulot ni Traffic Enforcer Ronaldo Delos Santos ang cellphone habang siya ay naka-duty. Agad niya itong isinuko sa tanggapan ng Bayambang Public Safety Office, sa pangunguna ni BPSO Operations Chief, 1Lt. Amory M. Junio PA (Res.), upang matiyak na maibalik ito sa tunay na may-ari.
Sa pamamagitan ng maagap na koordinasyon ng BPSO, agad na natukoy ang may-ari ng cellphone na si Ms. Ma. Annzel R. Manlutac, residente ng Brgy. Rizal, Makati City. Siya ay kasama ng kanyang kinakasama na residente naman ng Brgy. Zone VII, Bayambang, Pangasinan.
Napag-alaman na kagagaling lamang ni Ms. Manlutac sa United Arab Emirates (UAE) at kasalukuyang nasa Bayambang upang magbakasyon. Laking pasalamat ng may-ari lalo pa’t aniya ay may mga importanteng contact number sa UAE ang kanyang cell phone.
Sa tulong ng BPSO, matagumpay na naibalik kay Ms. Manlutac ang kanyang cell phone. Nagpasalamat naman siya sa katapatan at agarang pagtugon ni Traffic Enforcer Delos Santos at ng BPSO.
Ang insidenteng ito ay patunay na ang pagiging lingkod-bayan ay hindi lamang nasusukat sa pagtupad sa tungkulin, kundi maging sa katapatan, integridad, at malasakit sa bawat mamamayan. (JFDV/RSO; BPSO)





