Karapatan ng Senior Citizens, Tinalakay sa Seminar

Bilang bahagi ng pagpapalawak ng kaalaman ng mga nakatatanda hinggil sa kanilang mga karapatan at benepisyo sa ilalim ng batas, isinagawa ngayong araw, Mayo 13, 2026, ang seminar na “Senior Citizens’ Rights: Access to Benefits, Privileges and Legal Protection under R.A. 9994” sa Balon Bayambang Events Center.

Ang aktibidad ay kaugnay ng Clinical Legal Education Program I ng PHINMA – University of Pangasinan College of Law sa pakikipagtulungan ng Integrated Bar of the Philippines at ng LGU-Bayambang.

Sa pangunguna ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, kasama si Atty. Jefferson Faculanan, nabigyang-diin sa programa ang kahalagahan ng pangangalaga at pagprotekta sa kapakanan ng mga senior citizen.

Nagsilbing lecturer naman si Atty. Charlemagne Perez Papio ng Municipal Legal Office, kung saan tinalakay ang mga benepisyo, pribilehiyo, at legal protection na nakapaloob sa Republic Act No. 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010.

Sa aktibidad na ito, mas napalawak ang kaalaman ng mga senior citizen hinggil sa kanilang mga karapatan upang matiyak na natatanggap nila ang mga benepisyong nararapat para sa kanila at maprotektahan laban sa pang-aabuso at diskriminasyon. (WMC/RSO; JMB)