Kampanya sa Pagtitipid sa Enerhiya, Tampok sa EEC Seminar

Upang lalong mapalakas ang kampanya ng lokal na pamahalaan para sa matipid na paggamit ng enerhiya, isinagawa ng LGU-Bayambang ang isang Energy Efficiency and Conservation (EEC) Seminar noong Agosto 7, 2025 sa Balon Bayambang Events Center.

Ang seminar ay bahagi ng pagpapatupad ng R.A. 11285 o Energy Efficiency and Conservation Act of 2019, na naglalayong hikayatin ang mga ahensya ng gobyerno at publiko na maging mas responsable sa paggamit ng kuryente at iba pang energy resources.

Naging guest speaker sa seminar ang mga kinatawan mula sa Department of Energy (DOE) na sina G. Jason Jude P. Villegas, Gng. Daphne F. del Mundo, at Gng. Julieta G. Locquaio na nagbahagi ng mahahalagang kaalaman tungkol sa Government Energy Management Program (GEMP) at iba pang polisiya kaugnay ng energy efficiency.

Nagbahagi naman si Engr. Rudyfer P. Macaranas, EEC Officer ng LGU-Bayambang, ng best practices at mga lokal na inisyatibo ng bayan sa pagtitipid sa enerhiya.

Bahagi ang mga ito ng patuloy ang pagsusumikap ng pamahalaang lokal na isulong ang matalinong paggamit ng enerhiya bilang hakbang tungo sa mas matatag, matipid, at makakalikasan na bayan. (RGDS/RSO; AG)