Tinipon ang may 150 na kababaihan para sa isang health seminar ng Municipal Health Office upang palawakin ang kaalaman ng mga kababaihan hinggil sa kanilang karapatan sa kalusugan at bigyang-diin ang kahalagahan ng pangangalaga sa pisikal at mental na kalagayan.
Ang seminar ay ginanap ngayong araw, Marso 25, 2025, sa Pavilion 1 ng St. Vincent Ferrer Prayer Park, bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month, sa temang “Healthy Women, Healthy Future: Rights and Justice in Women’s Health.”
Sa panimulang pananalita ni Municipal Health Officer, Dr. Paz F. Vallo, binigyang-diin ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos upang maisulong ang kalusugan ng kababaihan sa komunidad.
Nagpaabot naman ng mga mensahe ng suporta at inspirasyon sina Mayor Niña Jose-Quiambao sa pamamagitan ni Councilor Jocelyn Espejo, Vice-Mayor Ian Camille Sabangan, at Municipal Administrator Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad.
Bilang bahagi ng programa, isinagawa rin ang isang masiglang Zumba session na nagbigay-sigla at nag-udyok sa mga kalahok na yakapin ang aktibong pamumuhay bilang susi sa mabuting kalusugan.
Sa bahagi ng mga lektura, unang tinalakay ni Dr. Dave Francis D. Junio ang “Women’s Oral Health and Wellbeing,” na sinundan ng diskusyon ni Police Corporal May Frissian Gail D. Gaspar ukol sa “VAWC and Other Women’s Rights,” na kapwa nagbigay ng mahalagang kaalaman para sa pangkalahatang kapakanan ng kababaihan.
Ang nasabing aktibidad ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na itaguyod ang kapakanan ng kababaihan at kilalanin ang kanilang mahalagang papel sa pag-unlad ng komunidad.
Sa kanyang panapos na mensahe, ibinahagi ni RHU I Consultant, Dr. Mariz M. Cabuag, ang mahalagang papel ng bawat kababaihan sa pangangalaga ng sariling kalusugan, at binigyang-diin na ang sapat na kaalaman, maagang pag-iwas, at regular na pagpapatingin ay susi sa isang malusog at matatag na komunidad. (John Andrew Bacani/RSO; JMB)






