Kakayahan ng PWD Leaders, Pinalakas sa 48th National Disability Rights Week

Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng 48th National Disability Rights Week, nagsagawa ang Persons with Disability Affairs Office (PDAO) ng isang buong araw na seminar at leadership training para sa mga Persons with Disabilities (PWDs) ngayong araw, Hulyo 23, 2026, sa Saint Vincent Ferrer Prayer Park Pavilion I, Brgy. Bani.

May temang “Rights First, Legislation Forward – Strategic Action for Equal Participation and Inclusive Development,” tampok sa programa ang pagsasanay na “Empowering PWD Leaders as Champions of Rights and Inclusive Development,” na naglalayong palakasin ang kaalaman ng PWD leaders sa kanilang mga karapatan, tungkulin, at mahalagang papel sa pagpapaunlad ng isang inklusibong komunidad.

Pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao sa pamamagitan ni Vice-Mayor Ian Camille C. Sabangan ang pagbubukas ng programa sa pamamagitan ng kanilang mga mensaheng nagbibigay-inspirasyon at nagpapatibay sa adbokasiya ng lokal na pamahalaan para sa pantay na oportunidad at inklusibong pag-unlad.

Isinagawa rin sa okasyon ang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong halal na opisyal ng PWD Federation.

Nagbigay ng program overview si Johnson R. Abalos, Disability Affairs Officer I, habang tinalakay ni Provincial Disability Affairs Office Head Jennifer V. Garcia-Figueroa ang Magna Carta for Persons with Disabilities (Republic Act No. 7277), kabilang ang mga mahahalagang probisyon, mga amyenda rito, at ang rights-based approach sa pagtataguyod ng pagkakapantay-pantay, accessibility, at inclusivity para sa mga PWD.

Sa hapon, tinalakay naman ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga PWD barangay leaders, kabilang ang pamumuno, organisasyon ng mga miyembro, koordinasyon sa mga opisyal ng barangay, at wastong pagdodokumento ng mga programa at pangangailangan ng sektor.

Sa pamamagitan ng gawaing ito, muling pinagtibay ng LGU-Bayambang ang pangako nitong isulong ang isang lipunang walang naiiwan, kung saan ang bawat PWD ay kinikilala, binibigyang-kapangyarihan, at aktibong nakikilahok sa pagpapaunlad ng komunidad.