Kahalagahan ng Tamang Pagpapasuso at Complementary Feeding, Tampok sa Forum

Isang forum tungkol sa pagpapasuso at complementary feeding ang idinaos, upang palakasin ang kaalaman at kamalayan ng mga magulang at tagapag-alaga tungkol sa mga benepisyo ng eksklusibong pagpapasuso sa loob ng unang anim na buwan ng sanggol, at ang tamang pagpapakilala ng complementary foods pagkatapos nito.

Ang forum ay inorganisa ng Municipal Nutrition Action Office (MNAO) ngayong araw, Nobyembre 5, 2025, sa Pavilion I ng Prayer Park sa Bayambang, bilang parte ng pagdiriwang ng Children’s Month 2025.

Inihatid ni Dr. Roland Agbuya, Rural Health Physician ng RHU III, ang mensahe ni Municipal Health Officer Dr. Paz F. Vallo, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng nutrisyon sa unang 1000 araw ng isang bata. Hinimok niya ang mga dumalo na gamitin ang mga impormasyong matututunan sa forum upang mapabuti ang kalusugan ng kanilang mga anak.

Kabilang sa mga tagapagsalita sa forum ay sina RHU midwife Mildred Malicdem, isang midwife, na nagbahagi ng mga praktikal na tips tungkol sa pagpapasuso, at RHU III nurse Lady Philina B. Duque, na nagpaliwanag tungkol sa tamang pagpapakain ng complementary foods.

Ang forum ay dinaluhan ng mga lactating mother (nagpapasusong ina), health worker, at iba pang interesado sa kalusugan ng mga bata. Inaasahan na ang mga natutunan sa forum ay makakatulong upang mapabuti ang nutritional status ng mga bata sa Bayambang.

Sa kanyang pangwakas na mensahe, binigyang-diin ni MNAO Venus M. Bueno ang patuloy na suporta ng MNAO sa mga programa para sa kalusugan at nutrisyon ng mga Bayambangueño.

Ang MNAO ay nagbigay ng mga papremyo sa mga batang sumali sa mga paligsahan, at tig-isang tray ng fresh eggs sa lahat ng dumalo para magamit nila bilang healthy complementary food sa kanilang mga babies na handa nang kumain ng complementary food. (VMF/RSO; JMB)