Kabataang Bayambangueño, Muling Nagpamalas ng Galing sa Larangan ng I.T.!

Matagumpay na lumahok ang dalawang mag-aaral ng Bayambang National High School na sina Gabriel Matthew M. Castro at Dianbrei Mae P. Estrada sa ginanap na 4th Pangasinan I.T. Challenge for Youth with Disabilities sa Narciso Ramos Sports and Civic Center, Lingayen, Pangasinan, noong Hunyo 18, 2026.

Kasama nila sa kumpetisyon ang kanilang mga coach na sina Mr. Rafael Carungay at Mr. Dallin Jeff Moreno, gayundin ang LGU Coach at PDAO na si Mr. Johnson Abalos, na patuloy na nagbibigay ng suporta at paggabay sa ating mga kabataang may kapansanan.

Isang karangalan para sa Bayambang na ibalita na nasungkit ni Dianbrei Mae P. Estrada ang first place sa kategoryang E-Tool PowerPoint Presentation, na nagbigay sa kanya ng pagkakataong maging isa sa mga kinatawan ng Pangasinan sa darating na National I.T. Challenge for Youth with Disabilities na gaganapin sa Tagaytay City.

Ang tagumpay na ito ay patunay na ang kapansanan ay hindi hadlang upang maipakita ang talento, kakayahan, at determinasyon ng ating mga kabataan. (JRA; PDAO)