Kaalaman at Kasanayan sa Pananalapi, Pinalawak sa Isinagawang Bookkeeping Seminar

Upang mapalawak at mapaunlad ang wastong pamamahala sa pananalapi, nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng Bayambang ng “Bookkeeping Seminar-Workshop” noong Abril 14–15, 2026 sa Municipal Agriculture Office Conference Room, na dinaluhan ng mga miyembro ng kooperatiba at iba pang kalahok na nagnanais mapahusay ang kanilang kaalaman hinggil dito.

Tampok bilang mga resource speaker sina Cecille O. Aquino, Cooperative Development Specialist II, at Joani Marie B. Bantolino, Population Program Officer II ng Provincial Population, Cooperative, and Livelihood Development Office (PPCLDO). Layunin ng seminar na mapalawak ang kaalaman ng mga kalahok sa tamang pagtatala ng mga transaksyong pinansyal at sa epektibong pamamahala ng pondo—mga kasanayang mahalaga sa pagpapatatag at pagpapaunlad ng mga kooperatiba.

Sa unang araw, nagbigay ng panimulang mensahe si Municipal Cooperative Development Officer, Atty. Melinda Rose R. Fernandez, na sinundan ng inspirational message mula kay Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajinis S. Vidad. Tinalakay ang mga batayang konsepto ng bookkeeping, kabilang ang assets, liabilities, at equity, gayundin ang kahalagahan ng maayos na record-keeping sa pagpapatakbo ng mga organisasyon.

Sa ikalawang araw naman, nakatuon ang talakayan sa paghahanda ng mga financial reports tulad ng income statement at balance sheet. Naging interaktibo ang pagsasanay sa pamamagitan ng hands-on activities at open forum, kung saan nabigyang-linaw ang mga katanungan ng mga kalahok at naipamalas ang aktuwal na aplikasyon ng kanilang mga natutuhan.

Nagtapos ang programa sa closing remarks ni Mr. Manuel M. Chua, Chairman ng Northern Bayambang MPC, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng patuloy na paglinang ng kaalaman sa pananalapi bilang susi sa mas matatag at maunlad na kooperatiba.

Sa kabuuan, magsisilbing matibay na pundasyon ang naturang seminar sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga kalahok sa wastong pamamahala ng pananalapi, na mag-aambag sa mas organisado, transparent, at sustainable na operasyon ng kanilang mga samahan sa hinaharap. (John Patrick A. Tabuga/JLT; JMB, John Andrew Bacani, MCDO)