Ang RHU ay nag-organisa ng isa na namang Buntis Congress, at ang unang parte nito ay ginanap sa Balon Bayambang Events Center noong October 3, at ito ay nakatakdang matapos sa October 4.
Sa taong ito, ang tema ay “Pagsulong tungo sa Malusog at Ligtas na Pagdadalang Tao.”
Naging resource speaker sa unang araw si Dr. Annette Michelle B. Bautista, Obstetrician-Gynecologist, ukol sa mga hakbang na dapat sundan para sa isang ligtas at malusog na pagdadalang-tao. Sa ikalawang araw naman ay nakatakdang magsalita si Dr. Lorelene P. Mangarin, Obstetrician – Gynecologist/Ultrasound Subspecialist.
Mensahe ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, bilang kinatawan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, “As a crucial part of a woman’s life, ang pagbubuntis is an act of joy and anticipation lalung-lalo kapag first time mom ka. But it is also a period of vulnerability and responsibility because you need to take care of yourself and your baby.” Kanya ring ibinahagi ang kanyang mga naging karanasan nang siya ay nagbuntis.
Kasama rin sa mga nagbahagi ng kanilang kaalaman sina Dr. Dave Francis D. Junio na tumalakay hinggil sa Oral Health for Pregnant Mothers, at Municipal Nutrition Action Officer Venus M. Bueno na nagbahagi ng mga mahahalagang impormasyon tungkol sa Nutrition during Pregnancy.
Isa-isa ring binigyang-pansin ang mga isyu tulad ng teenage pregnancy, importance of blood donation, family planning and responsible parenthood, national immunization program, exclusive breastfeeding, at postpartum depression.
Upang mapanatili ang kaginhawaan ng mga buntis habang nasa lecture, mayroong naganap na coloring activity para sa mga batang kasama nila.
Bilang bahagi ng aktibidad, nagkaroon ng “Preggy Raffle’ at nagpamahagi ng mga buntis kits bilang suporta sa kalusugan ng mga nagdadalang-tao.
Sa pagtatapos, nagbigay ng kanilang mga mensahe sina Erik Rezon Macaranas, Nurse II, at Jessie S. Herrera, Nurse II, upang magbigay-inspirasyon sa lahat ng mga dumalo.
Ang seminar na ito na inorganisa ni Municipal Health Officer, Dr. Paz F. Vallo, ay nagsisilbing isang mahalagang hakbang sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa kalusugan ng mga buntis at ang kanilang nasa sinapupunan.