Isang juvenile Philippine cobra ang boluntaryong isinuko ni Police Senior Master Sergeant (PSMS) Vina de Leon, personnel ng Bayambang Municipal Police Station, sa Environmental and Solid Waste Management Office (ESWMO)/Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang matapos itong matagpuan sa kanilang tahanan.
Kaagad na inasikaso ng ESWMO/MENRO ang ligtas na pagresponde at pangangalaga sa naturang wildlife bago ito itinurn-over sa DENR-CENRO Dagupan noong Hulyo 27, 2026, alinsunod sa mga umiiral na batas at patakaran sa ligtas na pangangalaga at pagpapakawala ng mga ilang o ligaw na hayop.
Muling pinaalalahanan ng ESWMO/MENRO ang publiko na huwag hulihin, saktan, o patayin ang mga wildlife species. Sa halip, agad na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan o sa iba pang kinauukulang awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at ang maayos na pangangalaga sa mga hayop na ito. (RSO; ESWMO)




