JKQ Medical and Wellness Center, Inc., Nagwagi ng “Corporate Wellness Initiative of the Year – Philippines” sa Healthcare Asia Awards 2026 sa Singapore!

Isang karangalang muli ang naiuwi ng Bayambang matapos kilalanin ang Julius K. Quiambao Medical and Wellness Center, Inc. (JKQWMCI) sa prestihiyosong Healthcare Asia Awards 2026 sa bansang Singapore, kung saan itinanghal ito bilang Corporate Wellness Initiative of the Year – Philippines.

Ang JKQWMCI ay pagmamay-ari ng pamilya nina SATOM, Dr. Cezar T. Quiambao.

Ginawaran ang nasabing institusyon dahil sa matagumpay nitong pagpapatupad ng Comprehensive Access to Reliable Employee Health and Wellness Plan (CARE Plan)–isang programang nakatuon sa abot-kaya, organisado, at maagap na serbisyong pangkalusugan para sa mga manggagawa. na nag-enrol sa naturang health plan. Kinilala sa naturang parangal ang sistematikong pamamaraan ng programa sa preventive care, pakikipag-ugnayan sa mga employer, at maayos na paghahatid ng serbisyong medikal sa ilalim ng iisang network.

Sa pamamagitan ng programa, nabigyan ng solusyon ang pangangailangan ng mga kompanya para sa sistemang magpapahintulot sa kanilang mga empleyado na makapagpagamot nang hindi agad naglalabas ng pera para sa mga serbisyong saklaw ng plano.

Sa ngalan ni Dr. Quiambao, ang parangal ay tinanggap nina JKQMWCI President & CEO, Dr. Estrella Quiambao Glorioso; Hospital Administrator, Atty. Arnel C. Glorioso; Medical Director, Dr. Dave Gamboa; at Chief of Clinics, Dr. Nicolas Miguel. (RSO; photos: JKQWMCI)