Itinatayong Bagong Youth Center, Ininspeksyon

Ininspeksyon ng mga otoridad ang itinatayong bagong tayong Youth Center o Teen Hub na matatagpuan sa may playground area ng Municipal Plaza sa tabi ng Municipal Museum, bilang bahagi ng paghahanda sa pormal na pagbubukas ng pasilidad para sa kabataan.

Ang pasilidad ay matagal nang nakaplano bilang isang safe at wholesome na lugar para magamit ng ating mga kabataan para sa iba’t ibang aktibidad na maglalayo sa kanila sa masasamang bisyo.

Ang proyektong ito ay pinondohan ng Seal of Good Local Governance Incentive Fund 2024 ng DILG sa halagang mahigit P1,000,000.00.

Bago ang aktuwal na inspeksyon, nagsagawa muna ng courtesy call kay Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, ang inspection team, kung saan tinalakay ang kahandaan ng proyekto at ang mahahalagang detalye kaugnay sa paggamit at pamamahala ng pasilidad.

Kasunod nito, isinagawa ang final inspection ng gusali sa pangunguna ng mga kinatawan mula sa DILG na sina Engr. III Marc John H. Gabuat, Engr. II Jan Omar O. Panelo, Engr. III Leoncio C. Vergara Jr., at Engr. II Rommel D. Biala mula sa Project Development and Management Section ng DILG Pangasinan Provincial Office.

Sinuri nila ang kabuuang kalagayan ng istruktura, mga pasilidad, at ang pagsunod ng proyekto sa itinakdang pamantayan at espesipikasyon.

Ang mga inspector ay inasistehan ng Municipal Government Local Local Operations Office (MLGLOO), Municipal Engineering Office (MEO), at Local Youth Development Office (LYDO).

Ang bagong Youth Center ay inaasahang magsisilbing ligtas at makabuluhang espasyo para sa pagkatuto, paglinang ng kakayahan, at aktibong pakikilahok ng kabataan sa mga programa at inisyatiba ng lokal na pamahalaan, sa direktiba ni Mayor Niña Jose-Quiambao. (RSO; LYDO)