Isyu sa VAWC, Kabataan at 4Ps, Tinalakay sa Pulong

Sa pangunguna ni Mayor Niña Jose-Quiambao, kasama si Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, tinalakay ang mga pangunahing isyu sa violence against women and their children (VAWC), proteksiyon ng kabataan, at pagpapatupad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa naganap na pagpupulong sa Mayor’s Conference Room nitong Setyembre 29.

Ito ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang lokal na konseho at ahensiya upang magbahagi ng pinakabagong ulat, suriin ang mga umiiral na hakbang, at pag-usapan ang mga susunod na gawain.

“This is the true essence of public service — selfless, compassionate, and dedicated to uplifting the most vulnerable. Together, let us work hand in hand, knowing that each effort contributes to a better and safer Bayambang,” ani Mayor Quiambao.

Inilahad ng Local Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Their Children (LCAT-VAWC) ang pinakabagong ulat sa mga kasong VAWC at ang mga interbensiyong ipinatupad para sa mga buwan ng Marso, Abril, at Mayo.

Samantala, iniulat ng Local Council for the Protection of Children (LCPC) ang mga kaso ng children in need of special protection (CNSP) at ang mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga bata.

Nagbigay rin ng accomplishment report sa buwan ng Agosto at Setyembre ang Municipal Advisory Council (MAC) hinggil sa 4Ps, kabilang ang mga update sa Sustainable Livelihood Program ng DSWD, case management ng mga benepisyaryo, pagsusuri ng Social Welfare and Development Indicators, at mga programang ipinatutupad ng iba’t ibang departamento ng lokal na pamahalaan.

Inaasahang maipatutupad ang mga nararapat na hakbang para sa proteksiyon ng kababaihan at kabataan at pagpapalakas ng mga programang pangkabuhayan sa buong bayan. (WMC/RSO; AG)