Isang Buwang IEC ng RHU I sa mga Barangay, Naging Matagumpay!

Matagumpay na naitawid ng Rural Health Unit 1 (RHU 1) ang isang buwang malawakang information-education campaign (IEC) o kampanya para sa kalusugan at enrollment activities na sumaklaw sa lahat ng catchment areas nito simula noong Marso 24 hanggang Abril 29, 2026.

Ang nasabing inisyatibo ay bahagi ng patuloy na adhikain ng RHU 1 na gawing mas accessible at de-kalidad ang serbisyong medikal para sa lahat, lalo na sa mga malalayong komunidad. Sa loob ng mahigit isang buwan, naging sentro ng mga aktibidad ang pagbibigay ng impormasyon at direktang serbisyo sa mga residente.

Kabilang sa mga pangunahing tinalakay sa mga idinaos na lecture ay ang pag-iwas at tamang pamamahala sa sakit na rabies. Binigyang-diin ang kahalagahan ng pagiging alerto sa transmission nito at ang mga kailangang gawin sakaling makagat ng hayop upang makapagligtas ng buhay.

At bilang bahagi ng mas pinalakas na kampanya laban sa rabies, naglunsad ang RHU 1 ng isang dedikadong sistema ng komunikasyon sa pamamagitan ng paglikha ng mga group chat (GC) para sa mga Animal Bite Treatment Center (ABTC) responders. Nagtalaga rin ng isang kinatawan sa bawat barangay—mula sa hanay ng mga Barangay Health Workers (BHW) o mga Kagawad on Health—upang magsilbing direktang link ng komunidad sa RHU. Ang hakbang na ito ay naglalayong pabilisin ang pagtugon sa mga katanungan at agarang pag-aksyon sa mga kaso ng kagat ng hayop.

Bukod sa rabies, tinutukan din ang paglaban sa mga non-communicable diseases (NCDs) gaya ng hypertension at diabetes. Tinuruan ang mga mamamayan tungkol sa mga risk factor at ang kahalagahan ng lifestyle modification o pagbabago sa gawi sa pagkain at ehersisyo upang maiwasan ang mga kumplikasyong dulot ng mga naturang sakit.

Kaalinsabay ng mga health lecture, isinagawa rin ang pag-asiste sa mga residente para sa PhilHealth YAKAP (Yaman ang Kalusugan sa Akap ng PhilHealth) Program. Layunin nitong masiguro na ang bawat pamilya ay rehistrado sa social health insurance upang magkaroon ng kaukulang proteksyong pinansyal at access sa primary care benefits.

Batay sa huling tala ng RHU 1, umabot sa kabuuang 42 barangay ang matagumpay na nabisita, kung saan 2,669 na kliyente ang direktang nakatanggap ng mga serbisyo at edukasyong pangkalusugan.

Ang tagumpay ng programang ito ay pinangunahan ng mga dedikadong lecturer na sina Erik Rezon Macaranas, Mark Darius Gragasin, Mike Dominic Gragasin, Jherose Christian Cariño, at Karen Blosan.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamunuan ng RHU 1 sa pangunguna ni Dr. Paz F. Vallo, Municopal Health Officer, sa lahat ng mga opisyal ng barangay at mga mamamayang nakiisa. (MDPG/RSO; RHU I)