International Volunteer Group, Makikipagtulungan sa Programang Pangkalinisan Atbp.

Bumisita noong Hulyo 28, 2025, ang isang grupo ng mga international volunteers mula sa Asez Wao, isang organisasyon ng mga young adult worker na miyembro ng World Mission Society Church of God. 

Layunin ng kanilang pagbisita na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at mag-alok ng kanilang serbisyo bilang mga volunteer.

Ang Asez Wao ay kilala sa kanilang iba’t ibang volunteer activities, kabilang na ang mga clean-up drive, blood drive, at seminar ukol sa kalinisan at pangangalaga sa kalikasan. 

Nais nilang makipag-partner sa LGU-Bayambang upang makatulong sa mga programang pangkalinisan ng bayan at sa pagpapalaganap ng kamalayan sa wastong pagtatapon ng basura.

“Nais naming mag-ambag sa pagpapaunlad ng Bayambang,” sabi ng isang kinatawan ng Asez Wao. “Handa kaming magbigay ng aming serbisyo at kaalaman upang masolusyunan ang mga isyu sa kalinisan sa bawat komunidad.”

Bukod sa pag-aalok ng kanilang serbisyo, humingi rin ng suporta ang Asez Wao para sa kanilang “Plastic Free Challenge 2040” campaign sa pamamagitan ng isang signature campaign.  Layunin ng kampanya na mabawasan ang paggamit ng plastik at maprotektahan ang kapaligiran.

Ang LGU-Bayambang ay positibong tumanggap sa alok ng Asez Wao at ipinahayag ang kanilang pagnanais na makipag-partner sa kanila sa mga proyektong pangkalinisan at pangkapaligiran. 

Inaasahan na ang pakikipagtulungan na ito ay mag-aambag sa pagpapabuti ng kalinisan at kalusugan ng mga mamamayan ng Bayambang. (VMF/RSO; AG, Admin)