Nagbigay-galang kay Mayor Niña Jose-Quiambao ang international film director at producer na si Burak Akyol kaugnay ng kaniyang planong pagkuha ng footage para sa isang global documentary series sa St. Vincent Ferrer Statue.
Layunin ng kaniyang proyekto na pinamagatang “In the Shadow of Giants” na maipakita ang ilan sa pinakamalalaki at pinakamahahalagang monumento sa mundo.
Tampok dito ang naturang estatwa sa Bayambang na kinilala ng Guinness World Records bilang tallest bamboo sculpture in the world, na may taas na 50.23 metro.
Sa isinagawang courtesy call ngayong araw, tinalakay ang mga kinakailangang permit at proseso para sa filming at drone operations sa lugar.
Malugod namang tinanggap ng lokal na pamahalaan ang inisyatiba, na inaasahang magbibigay ng mas malawak na pagkilala sa isa sa mga ipinagmamalaking simbolo ng bayan.
Si Akyol ay tubong Turkey at iniikot ang mundo para sa kanyang nasabing proyekto. (WMC/RSO; RobC)



