Upang higit pang mapaigting ang pagkakaisa, sportsmanship, at camaraderie sa pamamagitan ng sports, opisyal na sinimulan ang LGU-Bayambang Inter-District Basketball Tournament 2025 para sa mga kabataan ng siyam na distrito ng bayan nitong Oktubre 4 sa Balon Bayambang Events Center.
Sa temang “Engaging Through Sports Towards Unity, Sportsmanship and Great Camaraderie,” nagsimula ang programa sa isang makulay na motorcade sa palibot ng Municipal Plaza, kasunod ang opening program kung saan nagbigay ng welcome remarks si Sports Council Secretary Dennis Aldrin Malicdem at espesyal na mensahe sina Councilor Rhyan de Vera at Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad.
Kasabay ng pormal na pagbubukas ng paligsahan, tampok din ang Best Muse 2025, kung saan itinanghal na kampeon si Bb. Sandra de Luna ng District 3 na nakasungkit din ng parangal bilang Best in Ramp. Nakuha naman ni Bb. Krish Jewel Reyes ng District 9 ang 1st Runner-up at Best in Sportswear, habang si Bb. Michaela Aquino ng District 7 ay nasungkit ang 2nd Runner Up at Darling of the Crowd.
Bilang hudyat ng opisyal na pagsisimula ng paligsahan, isinagawa ang simbolikong cauldron lighting at sabayang bigkas ng oath of sportsmanship, bago nagtapos ang programa sa closing remarks ni SK Federation President John Roy Jalac.
Ang nasabing paligsahan ay inaasahang magsisilbing plataporma upang ipamalas ang talento at husay sa larangan ng basketball ng mga kabataang Bayambangueño, kasabay ng pagsusulong ng disiplina at pagkakaisa sa kanilang hanay. (RGDS/RSO; AG)














