Info Drive ukol sa San Roque Dam, Muling Isinagawa

Upang palawakin ang kaalaman ng mga kalahok hinggil sa kaligtasan sa dam, paghahanda sa sakuna, at mga nararapat na hakbang sa panahon ng kalamidad, nagsagawa ang MDRRMO ng Information and Education Campaign (IEC) ukol sa San Roque Dam nitong Hunyo 2, 2026 sa Balon Bayambang Events Center.

Kaagapay ng MDRRMO sa programa ang National Power Corporation (NAPOCOR), Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM), San Roque Power Corporation (SRPC), Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Department of the Interior and Local Government (DILG), at pamahaang bayan ng Bayambang.

Sa kanyang inspirasyunal na mensahe, binigyang-diin ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang kahalagahan ng kaalaman, paghahanda, at pagtutulungan ng pamahalaan at komunidad upang mabawasan ang epekto ng mga sakuna, at kaniya rin inilahad kung gaano kahalaga ang pakikiisa ng bawat indibiduwal.

Aniya, “Walang isang ahensya, opisina, o lider ang kayang harapin ang mga hamon ng kalamidad nang mag-isa. Kapag ang isang komunidad ay may malasakit, may tiwala, at may pagkakaisa, mas nagiging handa itong harapin ang anumang unos na darating.”

Nagbigay din ng mensahe ang provincial government sa pamamagitan ni Avenix Arenas, Provincial Governor Assistant Head ng PDRRMO.

Inilahad naman ni Charis F. Rempillo, Power Management Specialist E ng PSALM, ang pangkalahatang layunin at mahahalagang detalye ng programa.

Tinalakay ni Jermie C. Lugtu, Weather Specialist I ng PAGASA, ang mga hydro-meteorological hazards, mga weather system na nakaaapekto sa bansa, at ang Revised Tropical Cyclone Warning Signal System. Sinundan ito ni Rosalie C. Pagulayan, Senior Weather Specialist ng PAGASA, na nagpaliwanag tungkol sa flood forecasting at warning system para sa Agno River Basin.

Ibinahagi naman ni Glenn Arvin M. Magcalas, Principal Engineer B ng NAPOCOR, ang flood forecasting at warning system na ginagamit sa operasyon ng San Roque Dam. Tinalakay rin ni Ma. Lourdes B. Cruz, Principal Geophysicist A ng NAPOCOR, ang Dam Safety Program para sa San Roque Dam.

Ito ay sinundan naman ni Clifford Jake C. Caramat, Civil Engineer II ng SRPC, at kaniyang ipinaliwanag ang Emergency Action Plan na ipinatutupad sa panahon ng mga insidente o sakuna. Tinalakay naman ni Ron Maegan Z. Equila, LDRRMO I at Research and Planning Head ng PDRRMO, ang Community Risk Assessment at Contingency Planning.

Nagbigay rin ng lektura si Jesica S. Melendez, Weather Monitoring Staff ng PDRRMO, hinggil sa Family Preparedness, habang ipinaliwanag ni Hannah Andrada, Local Government Operations Officer II ng DILG, ang mga protocol sa Preemptive at Forced Evacuation.

Nagtapos ang programa sa isang open forum kung saan nabigyang-linaw ng mga resource speaker ang mga katanungan ng mga kalahok kaugnay ng operasyon ng San Roque Dam, pagbaha, at iba pang usaping may kinalaman sa disaster risk reduction and management.

Dumalo sa naturang lektura ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kabilang ang iba’t ibang punong barangay at iba pang mga barangay official.

Sa pamamagitan ng ganitong programa, higit na napalakas ang kamalayan at kahandaan ng mga mamamayang Bayambangueño upang maging mas ligtas at matatag ang komunidad sa harap ng mga sakuna at iba pang panganib.

(JLT/RSO; JMB)