Inaugural Session ng Ika-13 Sangguniang Bayan ng Bayambang, Isinagawa

Pormal nang binuksan ang sesyon para sa datihan at bagong halal nating mga opisyales, sa pamamagitan ng Inaugural Session noong, Hulyo 7, 2025 sa Sangguniang Bayan Session Hall, kung saan sila ay isa-isang nagbigay ng kanilang inaugural speech.

Layunin ng sesyong ito na pormal na simulan ang panibagong yugto ng paglilingkod, magbigay-pugay sa mga muling nahalal na konsehal, at mainit na salubungin ang mga bagong kasapi ng Sanggunian.

Kabilang sa pinag-usapan sa unang sesyon ay ang pag-apruba sa Resolution No. 328-S-2025 na may titulong “A Resolution Adopting the Internal Rules of Procedure of the 13th Sangguniang Bayan of Bayambang” gayundin ang paghalal sa mga mamumuno ng bawat komite.

Bitbit nila ang pag-asa at bisyon na may magkakatulad na interes at pananaw at isang hangarin, at iyon ay ang ng tapat at mahusay na paglilingkod sa larangan ng lehislatura, kung saan ang kanilang mga sariwang ideya at konseptong pambatas ay maihahain sa pamamagitan ng mga makahulugan at napapanahong ordinansa at resolusyon.

Binigyang-diin ng mga miyembro ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan upang maisakatuparan ang mga programang maghahatid ng benepisyo sa mga mamamayan ng Bayambang.

Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat ang bawat miyembro ng Sangguniang Bayan sa tiwalang ipinagkaloob ng sambayanang Bayambang, at nangako ng ibayong pagsuporta sa Rebolusyon Laban sa Kahirapan na programa ni dating Mayor Cezar T. Quiambao at Mayor Niña Jose-Quiambao. (JVC; JMB)