Ilang Punong Barangay, Pinulong ukol sa mga Insidente ng Paggamit ng Jumper sa Kanilang Nasasakupan

Pinulong noong Hulyo 23, 2025 ng LGU-Bayambang ang mga Punong Barangay mula sa ilang barangay matapos matukoy ang presensya ng mga ilegal na koneksyon o “jumpers” sa kuryente sa kanilang area of responsibility.

Nagsimula ang imbestigasyon nang mapansin ng LGU ang hindi pangkaraniwang pagtaas ng bayarin sa kuryente sa ilang barangay, kahit pa mga streetlight lamang ang inaasahang kumukonsumo ng kuryente sa mga nasabing lugar. Matapos ang masusing validation, natuklasan ang mga ilegal na koneksyon na siyang sanhi ng pagtaas ng konsumo.

Agad na ipinatanggal ng LGU ang mga nasabing jumpersat inilipat sa pangalan ng barangay ang mga lehitimong koneksyon upang ito’y mas mapangalagaan at ma-monitor nang maayos. Tiniyak din ng LGU na maibalik kaagad ang kuryente ng mga streetlight upang hindi maapektuhan ang kaligtasan at seguridad ng mga mamamayan sa gabi. Sagot ng LGU-Bayambang ang bayad para sa reconnection fee.

Dahil wala sa kasalukuyang pondo ng mga barangay ang dagdag gastos para sa kuryente sa mga nalalabing buwan ng taon, nangako ang munisipyo ng tulong pinansyal sa mga apektadong barangay.

Bilang bahagi ng kampanya ng Task Force Disiplina, sasampahan ng kaukulang kaso ang mga indibidwal na nahuling sangkot sa ilegal na koneksyon. Mariing kinukondena ng LGU ang ganitong gawain, na itinuturing na isang uri ng pagnanakaw.

Nanawagan ang LGU sa lahat ng mamamayan na makiisa sa pagpapanatili ng kaayusan at huwag makisangkot sa anumang uri ng ilegal na aktibidad. (RLS/RSO; JMB)