‘ILALAM IV: Arts and Design Exhibit 2024’ sa Municipal Museum

Ang ILALAM IV: Arts and Design Exhibit ay binuksan ngayong ika-4 ng Abril, 2024, sa Municipal Museum of Bayambang.

Ang ‘ilalam’ ay salitang Pangasinan na nangangahulugang imahinasyon na kung saan ipinapakita ang mahusay na imahinasyon at malikhaing gawa ng Grade 12 students mula sa Arts and Design Track ng Bayambang National High School-Senior High School.

Nagsimula ang kaganapan sa pagpapaliwanag ng background ng exhibit mula kay G. Christopher Gozum, Pangasinan Multimedia Artist at Subject Group Head ng BNHS TVL-Arts and Design Track.

Itinampok ang iba’t-ibang obra ng mga mag-aaral tulad ng graphic novel, driftwood assemblage sculpture, at interactive multimedia presentation. Nagbigay ng pagtatasa at puna para sa mga ipinakitang gawa sa exhibit sina Miguel delos Santos at Grace Ramos, alumni ng Arts and Design Track 2023. Dumalo si Media Affairs Officer, Dr. Leticia Ursua, at nanguna sa ceremonial ribbon-cutting upang opisyal na buksan ang exhibit.

Ang ILALAM IV: Arts and Design Exhibit ay may malaking kahalagahan sa iba’t ibang aspeto. Itinataguyod nito ang sining at kultura, pinalalakas ang pagkamalikhain at edukasyon sa sining, nagbibigay inspirasyon sa mga indibidwal, nag-aambag sa pangangalaga ng kultura, naghihikayat ng masining at malayang na pagpapahayag, naglilinang ng talento, at tumutulong na mapanatili ang isang umuunlad na komunidad ng sining.

Ang ILALAM IV Arts and Design Exhibit ay bukas sa publiko mula Abril 4, 2024, hanggang Mayo 15, 2024 sa Municipal Museum of Bayambang.

Sa pamamagitan nito, ang museo nagbibigay ng natatanging pagkakataon para sa mga bisita na pahalagahan at suportahan ang gawain ng mga mahuhusay na mga mag-aaral mula sa Arts and Design Track ng BNHS-SHS.