Ikalawang Bugso ng Road Clearing, Isinagawa bilang Paghahanda sa Pasukan; Kalinisan at Kaayusan sa mga Lansangan, Tinututukan

Isinagawa ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang ang ikalawang bugso ng road clearing operations ngayong araw, June 13,  bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya para sa disiplina at kalinisan sa mga pangunahing lansangan, lalo na sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Hunyo 16.

Tuloy-tuloy ang koordinasyon ng iba’t ibang departamento ng LGU—kabilang ang PNP, BFP, BPSO, MDRRMO, Engineering, SEE, BPLO, at ESWMO—upang ipatupad ang mga umiiral na batas ukol sa pag-aalis ng mga ilegal na obstruction sa kalsada.

Makikita ang malinaw na epekto ng kampanya sa mga pangunahing kalsada—malinis, organisado, at mas ligtas para sa mga motorista at pedestrian. Ang aktibidad ay patunay na kung sama-sama, kayang-kaya nating mapanatili ang kaayusan sa ating komunidad.

Ayon sa mga opisyal ng Task Force Disiplina, kung kinakailangang gawin ito linggu-linggo ay walang dahilan upang hindi ito ipagpatuloy. Ang layunin ay hindi lamang paglilinis ng lansangan kundi ang pagtatanim ng disiplina sa puso ng bawat mamamayan.

Sa huli, disiplina pa rin ang susi sa isang maayos at maunlad na bayan.