IEC ukol sa “Different Pathways to Migrating to Canada,” Dinagsa

Noong Setyembre 23, 2023, nagsagawa ang LGU ng isang information-education campaign ukol sa “Different Pathways to Migrating to Canada” o iba-ibang paraan kung paano mag-migrate sa bansang Canada.

Ito ay ginanap sa Balon Bayambang Events Center, sa pagtutulungan ng Administrator’s Office, Public Employment Services Office, at Bayambang Poverty Reduction Action Team.

Winelcome ni Vice-Mayor Ian Camille Sabangan at Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, ang mga dumagsa sa aktibidad mula sa iba’t-ibang sektor ng komunidad.

Payo ni VM Sabangan, “Never give up on your dream and passion, for the journey to success is full of obstacles, struggles, challenges and sacrifices. We also need to have faith in God.”

Binigyang-diin naman ni Atty. Vidad na ang aktibidad, na naglalayong magbigay oportunidad na makahanap ng trabaho sa bansang Canada, ay parte ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan. Aniya, “hindi lamang ito rebolusyon ng Munisipyo, hindi lamang rebolusyon ng bayan, kundi rebolusyon ng bawat Bayambangueño.”

Naging resource person si Ms. Arnida Guillermo, Coordinator ng AG & Associates ng Ascent Employment Services ng Calgary, Alberta, Canada.

May 316 katao ang umattend ng event, kabilang ang mga guro at estudyante mula sa iba’t-ibang national high school sa Bayambang, Bayambang Polytechnic College students at professors, graduating students mula sa Pangasinan State University-Bayambang Campus, mga dating OJT at SPES beneficiaries ng Public Employment Services Office, mga kawani ng LGU, at mga miyembro ng mga OFW Association mula sa ibat-ibang barangay.