IEC sa Kahandaan sa Sakuna, Pinalawak sa mga Barangay

Mas pinaigting ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Bayambang ang kampanya sa kahandaan sa sakuna sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Information and Education Campaign (IEC) sa iba’t ibang barangay.

Noong Mayo 5, 2026, isinagawa ang IEC sa Brgy. Manambong Sur, kung saan tinalakay ang mahahalagang hakbang bago, habang, at pagkatapos ng sakuna. Sinundan ito noong Mayo 6, sa Brgy. Amancosiling Sur at noong Mayo 7 sa Brgy. Manambong Parte bilang bahagi ng tuluy-tuloy na pagpapalawak ng kaalaman ng komunidad.

Kabilang sa mga paksang tinalakay ang tamang paghahanda ng go-bag, pagbuo ng family emergency plan, at ang kahalagahan ng pakikiisa sa mga programang pangkaligtasan ng barangay. Aktibo namang nakiisa ang mga residente sa talakayan at nagpakita ng interes sa mga praktikal na paraan ng paghahanda. (RSO; MDRRMO)