Isa na namang “Idol Ko si Nanay” Training ang inorganisa ng Municipal Nutrition Action Office (MNAO) para sa mga 44 Barangay Nutrition Scholars (BNS) at Nutrition staff upang sila ay matuto mula sa mga eksperto.
Ang training ay isinagawa mula ika-12 hanggang 14 ng Nobyembre, 2024,sa Mayor’s Conference Room at Pavilion I ng St. Vincent Ferrer Prayer Park.
Dumalo sa nasabing training sina Vice-Mayor Ian Camille Sabangan at Municipal Administrator, Atty Rodelynn Rajini S. Vidad, upang magbahagi ng inspirasyunal na mensahe.
Naging resource speakers sina Nutritionist Dietitian Association of the Philippines President Melita Castillo at RHU III Nurse Lady Philina Duque at kanilang tinalakay ang mga paksang “Breastfeeding,”
“Complementary Feeding,” “Nutrition During Pregnancy and Lactation,” at “Danger Signs During Pregnancy.”
Sa “Breastfeeding,” binigyan ng malalim na pag-unawa ang mga BNS sa mga benepisyo ng pagpapasuso ng ina, mga tamang pamamaraan, at mga posibleng hamon na maaaring harapin ng mga ina. Natuto rin ang mga kalahok ng mga estratehiya upang mapanatili ang matagumpay na breastfeeding journey.
Sa “Complementary Feeding,” sila ay nabigyan ng mahalagang impormasyon tungkol sa tamang panahon para simulan ang complementary feeding, ang mga uri ng pagkain na angkop sa edad ng sanggol, at mga ligtas na pamamaraan ng paghahanda ng pagkain.
Sa “Nutrition During Pregnancy and Lactation,” nalaman ng mga BNS ang mga praktikal na payo sa mga ina tungkol sa mahalagang papel ng nutrisyon sa panahon ng pagbubuntis at pagpapasuso. Natuto sila ng mga pagkain na dapat kainin at iwasan upang matiyak ang kalusugan ng ina at sanggol.
Sa “Danger Signs During Pregnancy” naman, sila ay natuto sa mga senyales ng panganib sa panahon ng pagbubuntis, at kung paano humingi ng agarang medikal na atensiyon kung kinakailangan.
Ang “Idol Ko Si Nanay” training ay magbibigay ng mga mahahalagang kaalaman at kasanayan na makakatulong sa mga magulang na magbigay ng pinakamahusay na pangangalaga sa kanilang mga sanggol sa kanilang unang isang libong araw. (Vernaliza M. Ferrer/RSO; larawan: JMB)