ICTO, Bumisita sa PLDT Vitro Data Center

Nagpunta ang mga kawani ng ICTO sa Vitro 2 Data Center ng PLDT sa Makati City noong October 4, 2024, upang malaman ang kakayanan ng PLDT bilang isang opsyon na tutulong sa cybersecurity at disaster recovery strategy ng LGU.

Sa isang presentasyon, ipinaalam ni Ryann Theodore Padua, Key Account Manager ng PLDT Vitro Data Center, ang mga serbisyo na maaaring ibigay ng Vitro Data Center sa mga local government units, tulad ng colocation, na ibig sabihin ay maaaring ilagay ng isang LGU ang mga servers nito sa kanilang data center na madalas ay mas secure at naiingatan.

Ipinakita ng kanilang grupo ang mga pasilidad ng PLDT data center na “fault tolerant,” o kayang tumakbo kahit walang kuryente mula sa MERALCO ng halos isang linggo at kahit na magkaroon ng Intensity 8 na lindol.

Binuksan din ni Christopher Roque ang opportunity sa isang libreng security posture assessment upang malaman kung ano pa ang mga kailangang pagtibayin hinggil sa aspeto ng information at cybersecurity.

Pinag-aaralan din ng ICTO ang mga tulong ng PLDT sa mga inisyatibo na related sa cybersecurity, data privacy, at public service continuity.

Ang pagbisita sa PLDT Vitro Data Center ay pinangunahan ni Jezreel John Junio, Information Technology Officer I, na may suporta ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at ng Mayor’s Office at pakikipagtulungan ng PLDT sa pamamagitan ni Vic Guinto, North Luzon Public Sector Relationship Manager. (RVB/RSO; ICTO)