Nagsimulang maglagay ng datos ang Human Resource Management Office, katulong ang Information and Communications Technology Office, sa Integrated Human Resource Information System, o IHRIS ng LGU-Bayambang noong Hulyo 3, 2025, alinsunod sa plano ng Good Governance Sector ng Bayambang Poverty Reduction Plan na ma-automate ang proseso ng mga trabaho sa HR na paulit-ulit na gumagamit ng malalaking datos.
Ang IHRIS ay isang web application na gagamitin ng lahat ng empleyado ng munisipyo para sa mga HR functions, katulad ng pag-apply ng leave, paggawa ng individual performance commitments, at pag-apply para sa promosyon.
Sinanay ng mga ICTO personnel ang piling HRMO staff sa pag-digitize ng records ng HRMO, kasama ang mga Plantilla, mga datos ng empleyado, appointments, at leave credits.
Target ng ICTO at HRMO na matapos ang data migration sa loob ng dalawang lingo upang makapagsimula na rin silang mag-training nga mga pinuno ng mga tanggapan.
Layon ng munisipyo na gumamit ng digital system upang maibsan ang workload ng mga HRMO staff na manual na nagka-calculate ng attendance at leave credits ng mahigit 900 katao.
Kapag nabawas na ang mga paulit-ulit na gawain, mas makakapag-focus ang HRMO sa pag-iisip ng paraan kung paano mas mapapabuti ang kalagayan at kakayanan ng bawat empleyado. (RVB/RSO; ICTO)







