Iba’t Ibang Usaping 4Ps, Hinimay sa 1Q MAC Meeting

Isinagawa ngayong araw, Enero 28, 2026, sa Mayor’s Conference Room ang unang Municipal Advisory Council (MAC) Meeting ng taon, kung saan tinalakay ang mahahalagang usapin kaugnay ng mga programa, serbisyo, at plano ng lokal na pamahalaan para sa patuloy na kapakanan ng mga benepisyaryo ng DSWD-4Ps.

Inorganisa ang pulong ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa pamumuno ni MSWD Officer Kimberly Basco kasama ang mga Municipal Link ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at dinaluhan ng iba’t ibang departamento at ahensya ng lokal na pamahalaan.

Pinangunahan nina Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, at Councilor Jocelyn Espejo ang pagtitipon na nagbigay ng kanilang opinyon sa mga bawat agendang tinalakay.

Sa nasabing pagpupulong, unang isinagawa ang review ng mga usaping nagmula sa nakaraang MAC meeting upang masiguro ang maayos na pagtupad at pagsunod sa mga napagkasunduan. Sinundan ito ng ulat hinggil sa kasalukuyang estado ng implementasyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa antas munisipal para sa Fiscal Year 2025, kung saan binigyang-diin ang mga nagawa, hamon, at mga hakbang upang higit pang mapahusay ang programa.

Sa apat na compliance turnout update sa mga programa ng 4Ps — kabilang ang Education, Health, FDS, at F1KD mula December 2024 hanggang November 2025 — ang bayan ng Bayambang ay nakakuha ng overall 96.09% rating. Ito ay nagpapakita ng mahusay at de-kalidad na implementasyon ng mga programa para sa progresibong pamamahala sa bayan.

Nabanggit din sa nasabing pulong ang plano para sa Grand Ukay for a Cause na may layuning makalikom ng pondo para sa bibilhing 32 bahay-kubo para sa mga 32 pamilya na nangangailangan dito.

Ang 20 bahay-kubo rito ay sigurado na sapagkat ito ay manggagaling sa sariling bulsa at mabubuting-puso ng mga lider ng Bayambang na ang hangarin lamang ay ang ikabubuti ng mga Bayambangueño. Ang 10 dito ay manggagaling mula kay Municipal Mayor Niña Jose-Quiambao; 2 mula kay Municipal Vice-Mayor Ian Camille Sabangan; at ang 8 ay manggagaling mula sa bawat konsehal na sina Hon. John Nazer David B. Junio, Hon. Jose S. Ramos, Hon. Gerardo D.C. Flores, Hon. Zerex T. Terrado, Hon. Levinsun Nessus M. Uy, Hon. Jocelyn S. Espejo, Hon. Raymund C. Camacho at Hon. Rhyan F. de Vera.

Gayundin, nagbigay rin ng mga update ang iba’t ibang departamento ng LGU tungkol sa kanilang mga kaugnay na programa at serbisyong ipinatutupad para sa mamamayan. Tinalakay din ang Calendar of Activities para sa taong 2026, na magsisilbing gabay sa mga nakatakdang proyekto at aktibidad ng pamahalaang bayan.

Bilang huling bahagi ng agenda, nagkaroon ng masusing deliberasyon sa iba pang mahahalagang isyu at alalahanin na may direktang epekto sa mga benepisyaryo at sa pagpapatupad ng mga programa ng munisipyo.

Ang ganitong uri ng pagpupulong ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaang bayan na isulong ang bukas na talakayan, maayos na koordinasyon, at inklusibong pagpaplano upang higit na mapabuti ang paghahatid ng serbisyo sa 4Ps beneficiaries. (VMF/JLT/RSO; Ralph Jian Samson, Trixie Noreen Quidon)