Sa pinakahuling pulong ng Local School Board, muling tinalakay ang mga pangunahing usapin hinggil sa edukasyon ng Local School Board (LSB) ngayong araw, January 21, 2026, sa Mayor’s Conference Room, sa ngalan ng ating butihing Mayor Niña Jose Quiambao, at sa pangunguna ni LSB Executive Director Rolando Gloria, kasama nina Councilor Jan Nazer David B. Junio at Municipal Supervising Tourism Operations Officer at BPC President, Dr. Rafael L. Saygo.
Tinalakay dito ang mahahalagang usapin hinggil sa kalagayan at pangangailangan ng sektor ng edukasyon sa bayan, kabilang ang approval ng badyet na P11,206,317.32 para sa Special Education Fund 2026 at ang pagsumite ng Project Procurement Management Plan at Calendar of Activities ngayong taon.
Inilahad din sa pulong ang isang taong ulat ng mga nagawa at natupad na proyekto ng Division I at Division II ng DepEd Bayambang at iba pang kinauukulang tanggapan.
Iprinesenta rin ang mga nakalaang alokasyon para sa iba’t ibang aktibidad at programa tulad ng sports development, World Teachers’ Day, Boy Scout of the Philippines registration, Brigada Eskwela, graduation, at iba pang special projects.
Para sa District II, kabilang sa mga pangunahing proyekto ang pagpapagawa ng handwashing facilities sa lahat ng paaralan, gayundin ang extension at pagkukumpuni ng isang silid-aralan. Para naman sa District 1, nakatakda ang renovation ng tatlong paaralan bilang bahagi ng patuloy na pagpapabuti ng mga pasilidad pang-edukasyon.
Bukod dito, nagbigay din ng suporta si Councilor Nazer sa pamamagitan ng pag-donate ng dalawang truckload ng yasa, na gagamitin sa mga proyektong pang-imprastruktura ng Malioer Elementary School.
Inanunsyo rin sa naturang pagpupulong ang nalalapit na malaking kaganapan sa larangan ng edukasyon, ang Division Schools Press Conference (DSPC) para sa Campus Journalism, na iho-host ng bayan ng Bayambang.
Tinatayang 32 munisipalidad ang inaasahang lalahok sa nasabing programa.
Ang nasabing LSB Meeting ay patunay ng patuloy na pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at sektor ng edukasyon upang maisulong ang de-kalidad at maayos na serbisyong pang-edukasyon para sa lahat. (Valerie Faye Yerro Asuncion/RSO; JMB)





