Iba’t Ibang Proyektong Pangkabataan, Tinalakay sa Pulong ng SK Federation

Matagumpay na idinaos ng Sangguniang Kabataan (SK) Federation ng Bayambang ang regular nitong buwanang pagpupulong noong Hulyo 9 sa ikalawang palapag ng Bougainvillea Building, Social Annex, Brgy. Magsaysay, na dinaluhan ng mga SK Chairperson mula sa 77 barangay ng bayan.

Pinangunahan ni SK Federation President John Roy S. Jalac ang pagpupulong na nagsilbing plataporma upang pag-isahin ang mga programa at prayoridad ng mga konseho ng kabataan para sa mga susunod na buwan. Tinalakay sa pulong ang iba’t ibang usaping may kaugnayan sa pagpapalakas ng pamumuno at pakikilahok ng kabataan sa lokal na pamahalaan.

Kabilang sa mga pangunahing napag-usapan ang iskedyul ng Buklat Aklat Year 3, paghahanda para sa Pambayang Linggo ng Kabataan (LNK) 2026, at ang panukalang team-building activity para sa SK Federation. Tinalakay rin ang pagkuha ng Certificate of Good Standing para sa Civil Service Eligibility, ang kasalukuyang estado ng budget plan ng bawat SK Council, at ang implementasyon ng SK Eco Space sa mga barangay.

Sa pamamagitan ng regular na pagpupulong, patuloy na pinagtitibay ng SK Federation ang koordinasyon at pagkakaisa ng mga lider-kabataan sa Bayambang upang maisulong ang mga programang nakatuon sa kapakanan, partisipasyon, at pag-unlad ng kabataang Bayambangueño.

Patuloy namang hinihikayat ng SK Federation ang aktibong pakikilahok ng mga opisyal ng kabataan sa mga susunod na pagpupulong at gawain bilang bahagi ng kanilang responsibilidad sa pagtataguyod ng mabuting pamamahala at makabuluhang paglilingkod sa sektor ng kabataan. (RSO; SK)