Iba’t Ibang Isyu, Tinalakay sa Joint Meeting ng LCPC, LCAT-VAWC, MAC, at BPRAT Social Sector

Muling pinagsanib ang pulong ng Local Council for the Protection of Children (LCPC), Local Committee on Anti-Trafficking and Violence against Women and their Children (LCAT-VAWC), Municipal Advisory Council (MAC), at Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT) Sociocultural Development and Social Protection Sector para sa first quarter ng taong 2025.

Ang pagpupulong na pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao sa pamamagitan ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, ay ginanap noong Marso 19, 2025 sa Sangguniang Bayan (SB) Session Hall, Legislative Building.

LCPC + LCAT-VAWC

Isa sa mga pangunahing tinalakay sa pulong ay ang 4th Quarter Accomplishment Reports ng LCAT-VAWC at LCPC para sa Oktubre hanggang Disyembre 2024, mga nakatakdang gawin para sa Marso 2025, at ang mga plano ng LCPC at LCAT-VAWC para sa ikalawang quarter ng taon.

Kabilang sa mga pinagtuunan ng pansin ang mga kinakailangang intervention laban sa naitalang tatlong kaso ng teenage pregnancy kamakailan.

MAC

Sa bahagi ng MAC meeting, nagkaroon ng talakayan hinggil sa mga isyung lumitaw mula sa nakaraang pagpupulong, ang kalagayan ng pagpapatupad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa antas ng munisipyo, ang pagbuo ng Technical Working Group para sa isang binabalak na pabahay program, ang implementasyon ng Sustainable Livelihood Program (SLP), at mga update mula sa LGU kaugnay ng iba’t ibang programa at serbisyo.

Napag-usapan din ang iba pang mahahalagang usapin na may kinalaman sa kapakanan ng mga benepisyaryo, kabilang na ang pormal na pagkilala sa mga pamilyang 4Ps members na napagtagumpayan ang kanilang kahirapan sa pamamagitan ng mga natamong tagumpay ng kanilang mga anak sa pag-aaral at paghahanap ng maayos na trabaho o propesyon.

Ang pinakamalaking balita ay ang nakatakdang pagtatapos ng may higit 2,000 na 4Ps beneficiaries ngayong taon, na siyang nakikitang isa na namang pinakamataas na record sa Rehiyon Uno.

BPRAT (Social Sector)

Samantala, nagbigay naman ang Sociocultural Development and Social Protection sectoral group ng BRPAT ng mga ulat at update sa mga social protection program na kanilang minomonitor. Kabilang sa mga tinalakay ang pagtatayo ng mga community garden sa mga barangay na may mga kaso ng malnourished children.

Sa pagtatapos ng pagpupulong, binigyang-diin ni Mayor Jose-Quiambao ang kahalagahan ng patuloy na pakikipagtulungan ng bawat sektor upang mapanatili ang proteksyon at kagalingan ng kababaihan, mga bata, at iba pang mamamayan ng Bayambang na nangangailangan. (RGDS/RSO; JMB)

#TeamQuiambaoSabangan

#TotalQualityService

#NiñaAroTaka