Ang Traffic Management Council (TMC) ay nagpulong bilang bahagi ng adbokasiya ng Pamahalaang Bayan ng Bayambang sa pagsusulong ng disiplina at kaayusan sa lansangan.
Ang pulong ay inorganisa ng Municipal Planning and Development Office (MPDO) sa pamumuno ni OIC MPDC Ma-lene Torio noong Hunyo 21, 2025, sa Multi-Purpose Covered Court ng Brgy. Dusoc.
Dinaluhan ito nina Dr. Rafael Saygo bilang kinatawan ni Mayor Niña Jose-Quiambao at Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, Vice-Mayor Ian Camille Sabangan, Coun. Amory Junio, SB Secretary Joel Camacho, Ret. Col. Leonardo Solomon, mga opisyal mula sa PNP, BFP, at mga kinatawan ng iba’t ibang Tricycle Operators and Drivers Association (TODA).
Tinalakay dito ang ukol sa pagtatatag ng mga Discipline Zone na siyang magsusulong sa mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas-trapiko at ordinansa sa sentro ng bayan at karatig-barangay. Sa mga lilikhaing designated zones, mahigpit na ipapatupad ang kaayusan, kalinisan, at disiplina sa paggalaw ng mga motorista at pedestrian.
Pinag-usapan din ang mga isyung may kaugnayan sa TODA franchise, partikular na ang operasyon ng mga TODA, kabilang na ang legalisasyon ng mga prangkisa, pagsunod sa mga alituntunin ng lokal na pamahalaan, at mga programang makatutulong sa kapakanan ng mga tsuper.
Muling pinaigting naman ang panawagan para sa patuloy na road-clearing operations upang mapanatiling malinis, ligtas, at maluwag ang mga lansangan sa pamamagitan ng maayos na koordinasyon at implementasyon sa mga barangay.
Pinakinggan din sa pagpupulong ang mga suhestiyon, puna, at katanungan ng mga dumalo upang lalo pang mapahusay ang mga isinasagawang hakbangin para sa ligtas na daloy ng trapiko at kaayusan sa buong bayan.
Sa pagtatapos, muling inihayag ng lokal na pamahalaan ang paninindigan nito na, sa tulong ng Traffic Management Council, mga ahensyang kaagapay, at aktibong partisipasyon ng mamamayan, maisusulong ang isang mas disiplinado, organisado, at ligtas na Bayambang para sa lahat. (KB/RSO; JMB)
#TotalQualityService
#NiñaAroTaka