Huling NSED ng Taon, May 25,652 Participants

Muling sabay-sabay na nag-duck, cover, at hold ang mga lumahok sa 4th Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) noong Nobyembre 14, 2024, sa pangunguna ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council.

Sa huling quarter ng taon, muling aktibong naghanda at sumali ang mga kawani ng lokal na pamahalaan, kasama ang mga pampubliko at pribadong paaralan sa Bayambang, mga opisyal ng 77 barangay, lahat ng daycare centers, pati na rin ang lahat ng mga kliyenteng may transaksiyon sa munisipyo sa oras na iyon at ang daan-daang participants sa SLP Congress 2024 ng DSWD Region I sa Events Center.

Bago ang drill ay pinulong ni LDRRMO Genevieve U. Benebe kasama ang PNP, BFP, at BPSO, ang lahat ng safety officers ng LGU Bayambang para sa isang briefing. Pagkatapos ng drill ay nagkaroon naman ng debriefing ang mga safety officers, at nagcheck naman ang ICT Office ng lagay ng Internet connectivity sa mga opisina.

Ang regular na earthquake drill ay alinsunod sa Implementing Rules and Regulations ng R.A. 10121, na naglalayong palawakin ang kamalayan ng publiko upang maiwasan ang pag-panic at maging handa sa oras ng di-inaasahang pagyanig.

Dahil sa mga organisadong paghahanda tulad nito, nababawasan ang posibilidad ng pagkakaroon ng casualty na dulot ng biglaang lindol o iba pang uri ng sakuna.

Ang huling NSED ng taon ay nagtala ng 25,652 participants. (Patrick Salas, Vernaliza M. Ferrer/RSO; larawan: JMB, MDRRMC members)