Huling GAD Meeting para sa Taong 2025, Isinagawa

Sa ikahuling Gender and Development (GAD) Meeting para sa taong 2025, pinagtuunan ng pansin ang pagsusuri sa budget utilization at presentasyon ng accomplishment reports ng bawat tanggapan.

Dumalo rito ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang departamento ng lokal na pamahalaan sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa Barangay Magsaysay, ngayong araw, Disyembre 4, 2025.

Dahil pangunahing paksa ang pagsusuri ng GAD budget execution para sa 2025, tinalakay ng bawat departamento ang kanilang naging paggamit ng pondo, kabilang ang mga programang naisakatuparan, aktibidad na nalalapit nang matapos, at mga inisyatibong hindi natuloy dahil sa limitasyon ng oras o pondo.

Binigyang-diin dito ang kahalagahan ng tamang paglalaan at maayos na dokumentasyon ng GAD-related expenditures upang masiguro ang pagsunod sa national guidelines at transparency sa pamahalaan.

Sa pagtatapos ng pulong, pinasalamatan ng MSWDO ang lahat ng dumalo sa kanilang aktibong partisipasyon.

Ipinahayag din ng tanggapan ang kanilang determinasyong ipagpatuloy ang pagpapalakas ng GAD initiatives sa pamamagitan ng maayos na pagpaplano at responsableng paggamit ng pondo.

Sa kabuuan, ang naganap na GAD meeting ay nagsilbing mahalagang hakbang sa pagtataya ng nagdaang taon at paghahanda para sa mas epektibong implementasyon ng mga programang pang-GAD sa 2026. (JLT/RSO; AG)