Inaprubahan na ng Committee on Natural Resources ng House of Representatives ang House Bill No. 127 sa isinagawang face-to-face committee hearing ngayong araw, Nobyembre 26, 2025, sa Conference Rooms 3 at 4, R.V. Mitra Building, Batasan Complex, Quezon City.
Layunin ng panukalang batas na ireklasipika ang Mangabul Reservation sa bayan ng Bayambang bilang alienable and disposable land ng public domain upang muling maipamahagi sa mga lehitimong matagal nang naninirahan at nagsasakang benepisyaryo.
Dumalo sa pagdinig ang kinatawan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, kabilang ang Municipal Legal Office at Municipal Assessor’s Office bilang tugon sa imbitasyong ipinadala ng Komite, kung saan tinalakay at nilinaw ang mahahalagang usapin hinggil sa reclassification at mga implikasyon nito sa mga residente at ugnayan ng LGU sa pambansang pamahalaan.
Ipinasa rin ng LGU ang kanilang position paper bago ang itinakdang deadline upang maging gabay ng komite sa pagbusisi sa panukalang batas.
Pinangunahan ni Committee Chairperson Alfredo D. Marañon III ang pagtalakay sa HB 127 na inihain ni Congresswoman Maria Rachel J. Arenas, kung saan ay nagpaabot siya ng pasasalamat sa LGU-Bayambang sa aktibong pakikipag-ugnayan at sa kanilang mga pahayag na tumulong sa mas mabilis na pag-apruba ng panukalang batas sa antas-komite.
Sa pagtatapos ng pagdinig, nagpaabot ng pag-asa ang komite na magbubunga ang hakbang na ito ng mas maayos, patas, at makataong proseso para sa mga pamilyang matagal nang umaasa sa legal na pagmamay-ari ng kanilang lupang sinasaka at tinitirhan. (RSO; MLO)



