High Schoolers, Nagtagisan sa DRRM Photo Contest

Paano mo isasalarawan ang kahandaan sa sakuna at pagkilos tungo sa kapanatagan ng loob sa oras ng peligro gamit ang iyong cell phone?

Ito ang naging challenge ng walong estudyanteng nagtunggali sa ginanap na Disaster Response and Resiliency Management (DRRM) Photo Contest, isang aktibidad sa pagtatapos ng pagdiriwang ng National Disaster Resiliency Month 2026 noong July 30, 2026.

Isinagawa ang aktibidad sa Municipal Museum.

Sa temang “Naghahanda at Kumikilos tungo sa Panatag na Bagong Pilipinas,” may mga kumuha ng larawan ng maagap na pagtatanim ng punla, bayanihan sa kabukiran, pag-“duck, cover, and hold” nang nakahelmet, paglinis ng basura sa paligid, pagsasaayos ng mga yero sa bubong ng bahay, at pagsagawa ng mock o simulated rescue operation.

Matapos ang pinagsama-samang iskor ng inampalan, nasungkit ni Chris Ivan Ramos ang 1st place, ni Zabhina Cassandra A. de Vera ang 2nd place, at ni Louise Daniel Pelovello ang 3rd place — pawang mga mag-aaral ng Sanlibo National High School.

Nagsilbing hurado sina LDRRMO Genevieve N. Uy, PIO Resty S. Odon, ICT Officer Ricky V. Bulalakaw, at MENRO Ma-lene S. Torio.

Sa kanyang pambungad na mensahe, binigyang-diin ni Gng. Uy na ang mga malilit na aksyon tungo sa kahandaan gaya aniya ng pagtatanim ng mga namumungang punongkahoy at pangangalaga sa gulayan at manukan sa kabahayan ang siyang nagsisilbing kalasag ng kahandaan sa panahon ng sakuna.

Bilang panauhing pandangal, iginiit naman ni OIC Municipal Librarian, Atty. Melinda Rose R. Fernandez, ang kahalagahan ng kaalaman upang malaman ang mga dapat gawin tungo sa DRRM.

Sa kanyang panapos na mensahe, ipinaalala naman ni G. Bulalakaw na ang photograpiya ay isang democratized art form, kung saan kahit sinuman, kahit ang mga ‘di marunong magdibuho o magpinta, ay maaari nang maging artist sa pamamagitan ng camera–nagkakatalo na lamang sa uri ng pagtingin (way of seeing). (RSO; AG)