Sa ikawalong taon ng kanilang programang “Healthy Food Treats,” muling namahagi ng masustansyang pagkain ang Municipal Nutrition Action Office (MNAO) sa mga kawani ng munisipyo tuwing araw ng Lunes sa buwan ng Hulyo bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Nutrition Month 2025.
Kabilang sa mga ipinamigay ang mainit-init na sopas na may mga gulay, sariwang saging, nilagang mais, at lugaw na may itlog.
Layon ng programa na hikayatin ang mga empleyado na gawing prayoridad ang food at nutrition security alinsunod sa tema ng taon, ang “Food at Nutrition Security, Maging Priority! Sapat na Pagkain, Karapatan Natin!”
Ang pagkakaroon ng sapat at masustansyang pagkain ay hindi pribilehiyo kundi karapatan ng bawat Pilipino.
Sa simple ngunit masustansiyang pagkain, naipapakita ng LGU ang pagpapahalaga sa tamang nutrisyon. (VMF/RSO; AG/MNAO)






